Isang araw nanaman ang lumipas sa buhay ng isang taga ospital. Mahirap talaga kung ang mga makakasalamuha mo ay may sakit. Andyan yung mahihina ang loob nila, nag tataray at nagmamagaling sila, kasi nga mayroon na silang iniindang sakit. Maari mo namang mapagbigyan ang mga bagay na iyon, mayroon lang talagang mahirap palampasin lalo na kung parang sa tingin mo ay sumusobra na sila.
Aminado naman ako na mainitin ang ulo ko. Lagi na lang akong naiinis kapag may mga pasyente na hindi makaintindi. Pero kinikimkim ko na lang iyon sa sarili ko o sinasabi ko sa mga katrabaho ko. Minsan may isang beses na hindi ko na kinaya at tumaas na ang boses ko. Napakakulit kasi ng pasyente. Nagagalit siya sa akin dahil lagi ko siyang kinukuhanan ng dugo. Makailang beses ko nang sinabi sa kanya na ang doktor niya ang may utos noon at hindi naman ako ang may gusto. Maari namang sabihin niya sa doktor niya na ayaw na niyang magpakuha ng dugo. Sa kahulihan ako pa ang napagsabihan ng doktor na hindi ko ini explain sa pasyente kung para saan yung test e napaka imposibleng hindi ko yun na explain. Hay talaga nga naman oh. Eto pa ung mga ilang mga nakakatawa at nakakainis na ma raranasan mo araw araw:
SA KABILANG PINTUAN NA LAMANG PO - all caps at bold na nga ang naka post sa may pintuan, patuloy pa rin ang pagpupumilit pumasok ng mga tao. Sige subukan nyo pong kumatok at itulak ang pinto, sa kabilang dulo po kasi ay may napakalaking machine na hindi kayang mabuhat ng iisang tao lang.
EXTRACTION AREA - siguro po hindi dito ang pa examine ng urine, kung gusto nyo pong i aspirate yang pantog nyo po e pwede na po siguro.
PAKI SABI NA LANG PO NG PANGALAN - ung sisigawan ka pa ng mga pasyente, "AYAN NA NGA OH NAKASULAT". Opo, kelangan lang po naming malaman kung tugma ung pangalan ng nasa papel at pangalan ng pasyente. Hindi nyo na po kailangan sumigaw. Minsan din kasi ay hindi mo mabasa ang nakasulat sa papel. Medyo magagandang magsulat kasi ang mga doktor.
ANO PONG ORAS ANG HULING KAIN? - "KAGABI PA". Oras po ba ang kagabi pa? Isama na rin natin ang ANO PONG ORAS INIHI/IDINUMI? - "KANINA LANG". Sige po, Time: Kanina lang PM.
Minsan makaka experience ka din ng drama, yung tipong may teenager, nalaman na buntis ng magulang. Aruy ko. Wala nang magagawa si nanay at iiyak na lamang. Kung sa bahay nangyari siguro yun ay aksyon ang tema. "Ikaw babae ka, napaka bata mo pa, nag buntis ka na agad *pak*". Mayroon naman na mga pasyente na ayaw ipaalam sa mga kamag anak na nabuntis sila ng hindi nila asawa. Makati!.
Ewan ko rin ba. Basta eto, araw araw kelangan kong kumayod para naman may ipang tustos. Mabuti na lang mayroon ding pasyente na maintindihan. Lalo na yung mga lola na malambing. Yung tatanungin ka pa kung nakakain ka na. Yung nagpapasalamat sa pag alaga mo sa kanya. Hay! Minsan, yun na lang yung magpapasaya sa araw mo. Magpapawala sa pagod mo at init ng ulo sa mga pasyenteng mahirap pakiusapan. Okay na rin na ito ang trabaho ko. Hindi yung kailangan kong makihalubilo ng matagal sa pasyente at mga doktor. Sana lang mas humaba yung pasensya ko. Hindi ko rin kasi masasabi, yung mga taong pinag sungitan ko pala, sila din sa bandang huli yung lalapitan ko.
No comments:
Post a Comment